Pagtitipunin ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) ang mga senior policymakers, mananaliksik, development organizations, pribadong sektor, samahan ng mga magsasaka, at iba pang pangunahing stakeholder mula sa Timog-Silangang Asya at iba pang bansa para sa Agricultural and Rural Development (ARD) Conference 2026 sa Disyembre 2–3, 2026 sa Sheraton Manila Hotel sa Pasay City. Tampok sa kumperensiya ang temang “Policy Pathways for Sustainable Agrifood Systems Transformation in Southeast Asia,” na layuning bumuo ng isang magkakaisang panrehiyong adyenda para sa mas matatag, inklusibo, at napapanatiling agri-food systems.
Ayon sa SEARCA, nasa isang mahalagang yugto ang mga agri-food system ng rehiyon dahil sa lumalalang hamon ng climate change, mga suliraning pang-ekonomiya, at panlipunang isyu. Gayunman, binigyang-diin ng sentro na may malaking pagkakataon ding mapabilis ang transpormasyon ng agrikultura sa pamamagitan ng mas matibay na kooperasyong panrehiyon, mga polisiyang nakabatay sa ebidensya, at estratehikong pamumuhunan upang makabuo ng mas matatag, inklusibo, at kompetitibong sektor ng agrikultura.
Bilang isa sa mga pangunahing aktibidad para sa ika-60 anibersaryo ng SEARCA, nakabatay ang kumperensiya sa 12th Five-Year Development Plan: SUSTAIN Southeast Asia at inaasahang mag-aambag sa apat na pangunahing layunin ng sentro—Pocket, Plate, Place, at People. Layunin din nitong suriin ang progreso ng rehiyon sa pagbabago ng agri-food systems, tukuyin ang mga makabagong solusyong maaaring tularan ng iba’t ibang bansa, ihanay ang mga polisiya at pamumuhunan sa magkakatulad na layunin sa pag-unlad, at palakasin ang pagtutulungan at pagpapalitan ng kaalaman sa pagitan ng mga institusyon sa Timog-Silangang Asya.
Tatalakayin sa dalawang araw na kumperensiya ang apat na pangunahing tema: pagpapalakas ng inklusibong agri-food value chains at pag-access sa pamilihan at pondo; pagsusulong ng nutrition-sensitive agri-food systems at masustansiyang pagkain; pagpapabilis ng paglipat sa climate-resilient, inclusive at nature-positive agricultural systems; at paggamit ng digital innovation upang mabigyang kapangyarihan ang mga magsasaka, kabataan, at kababaihan habang pinapataas ang produktibidad ng agrikultura.
Sinabi ng SEARCA na nagsisilbing napapanahong plataporma ang ARD Conference 2026 upang maisalin ang kaalaman tungo sa konkretong aksyon sa harap ng lumalalang hamon sa agri-food sector. Sa pamamagitan ng pagpapalitan ng karanasan, pagbuo ng mga bagong partnership, at sama-samang paglikha ng mga polisiya, layunin ng kumperensiya na higit pang pagtibayin ang pangako ng SEARCA sa isang science-based, inklusibo, at napapanatiling kaunlarang pang-agrikultura para sa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon.