Skip to main content

SEARCA, kabilang sa pinakamalaking ambag sa database ng PIDS para sa pananaliksik sa 2025

Kinilala ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) bilang isa sa pinakamahusay na kontribyutor sa kanilang Socioeconomic Research Portal for the Philippines (SERP-P) database ngayong 2025. Ang parangal ay iginawad noong ika-25 anibersaryo ng SERP-P at Annual Networking Meeting sa Sequoia Hotel Manila Bay.

Ito na ang ikaanim na pagkilala sa SEARCA mula 2018, at simula 2021 hanggang 2024, bilang isa sa pinaka-aktibong miyembro ng SERP-P network. Ayon kay G. Ezekiel Nicomedes, SERP-P Coordinator at Project Manager, "Patuloy na kinikilala ang SEARCA bilang isa sa pinaka-aktibo at pinakamahalagang kontribyutor ng SERP-P."

Tumanggap ng sertipiko ng pagkilala sina Ms. Bernice Anne De Torres ng Research at Thought Leadership Department at Mr. Stoix Nebin Pascua ng Education at Collective Learning Department ng SEARCA. Mula noong maging miyembro noong Mayo 2013, patuloy na nag-upload ang SEARCA ng mga pag-aaral, policy brief, journal, at iba pang kaalaman sa portal sa pamamahala ni Ms. Mina Talatala ng Knowledge Management Unit.

Paliwanag ni Nicomedes, ang pangunahing tungkulin ng mga miyembro ay ang mag-upload ng mga pananaliksik upang maging accessible ang mga impormasyon sa mga policymaker, edukador, mag-aaral, at publiko. Hinihikayat din ang mga miyembro na makibahagi sa mga forum at talakayan upang mapalaganap ang kaalaman.

Ang aktibong pakikilahok ng SEARCA sa SERP-P ay sumusuporta sa kanilang 12th Five-Year Plan, ang SUSTAIN Southeast Asia, na naglalayong mag-ambag sa pagtaas ng kita ng magsasaka (Pocket), pagpapanatili ng food security (Plate), pagbuo ng climate-resilient na sistema (Place), at pagpapalakas ng mga tao at institusyon (People).