Bagama't madalas ituring ng iba ang University of the Philippines Diliman bilang "main campus," sa ilalim ng Republic Act 9500, ang UP ay isang pambansang sistema ng magkakapantay na constituent universities. Bawat campus ay may sariling mandato at espesyalisasyon, kaya walang iisang "main," kundi iisang UP na nasa iba't ibang rehiyon.
"Ah, sa UP ka... UPD?"
Kapag binanggit ng isang mag-aaral na sila ay taga-UP, kadalasang sumusunod ang tanong: taga-Diliman ba? Sa paglipas ng panahon, nabuo ang hindi opisyal na outgroup hierarchy. Kapag hindi taga-Diliman, madalas ang tugon ay "ah, okay."
Ang malala, kadalasang ibinababa ang pagtingin sa iba pang mga kampus ng UP dahil raw hindi "legit" ang kanilang mga espasyo — tulad ng UP Open University.
Pero spoiler alert, walang "Main" campus ang UP.
Ayon sa batas, ang UP ay isang system
Sa ilalim ng Republic Act 9500, na tsarter ng UP, idineklara ito bilang isang "national university system" na binubuo ng iba't ibang mga constituent universities o CUs.
Ayon sa Section 4 ng RA 9500, binubuo ang "UP" ng lahat ng miyembro nito at may pantay-pantay na halaga sa pagbuo ng UP system.
SEC. 4. The University System. - The University of the Philippines is a university system and shall be composed of constituent universities established solely by its Board of Regents upon the recommendation of the President of the University. The University of the Philippines System is composed of its existing constituent universities, as follows: University of the Philippines Diliman; University of the Philippines Manila; University of the Philippines Los Baños; University of the Philippines Visayas; University of the Philippines Mindanao; University of the Philippines Baguio; University of the Philippines Open University; and those that may be created in the future. It is referred to in this law as the "National University."
Ibig sabihin, bagama't naka-sentro ang administrasyon sa Diliman, hindi ito nakatataas na kampus sa aspetong legal at akademiko, dahil ang bawat CU ay autonomous at may sari-sariling Tsanselor.
"Patterned after American universities like the University of California, UP is composed of constituent universities (CUs) that are independent of, but in close coordination with, each other."
— Michael Tan, UP professor, medical anthropologist, at 10th chancellor sa UP Diliman
Sa paghubog ng UP bilang sistemang may kalayaang kampus ngunit iisang layunin.
Centers of excellence, hindi "alternatives"
Itinatayo ang mga campus ng UP sa iba't ibang lugar upang tumugon sa mga pangangailangan sa bansa. Hindi sila "backup" campuses lamang, kundi mga institusyong may kanya-kanyang pinagdadalubhasaan.
Luzon
- UP Diliman – nangungunang sentro ng pananaliksik, agham, inhenyeriya, agham panlipunan, at sining sa bansa. Tahanan ito ng National Science Complex.
- UP Manila – ang Health Sciences Center ng bansa. Nangunguna at pinakamahusay sa medisina, public health, at allied medical professions, tulad ng behavioral science.
- UP Los Baños – tagapanguna sa agrikultura, paggugubat, at tahanan ng SEARCA–ang pinakamalaking institusyong pang-akademiko sa agrikultura sa ASEAN.
- UP Baguio – Ang pangunahing institusyon para sa Cordillera Studies at Indigenous Cultures.
- UP Open University – nanguna sa Distance Education mula pa noong 1995.
Visayas
- UP Visayas – sentro ng pag-aaral ng UP para sa fisheries at marine sciences.
- UP Cebu – Sentro ng pag-unlad at inobasyon sa design, information technology (IT), at business sa Central Visayas.
- UP Tacloban – Pinakabagong CU ng UP na nakatutok sa regional development, environmental management, at disaster risk reduction sa Eastern Visayas.
Mindanao
- UP Mindanao – Unang UP campus na ginawa sa bisa ng batas at tagapagtaguyod din ng arkitektura, agribusiness, Mindanao studies, at ngayon, sarili nitong School of Medicine.
Walang 'lamang-lamangan' sa Pamantasan ng Bayan
Hindi lamang UP Diliman ang saligan ng kahusayan ng UP — bawat kampus ay may mahalagang ambag sa paghubog ng bayan.
Dinisenyo ang UP System para i-decentralize ang kahusayan, upang ilapit ang edukasyon sa iba't ibang rehiyon at sektor.
Kung ikukulong natin ang UP sa gitna ng komersyo sa Kamaynilaan, hindi natin naiintindihan ang mandato nitong paglingkuran ang sambayanan.
Walang iisang bahay ang Dangal at Husay. Dahil ang Iskolar ng Bayan ay Iskolar ng Bayan, anuman ang kampus.