Skip to main content

ASEAN-BIMSTEC Experts Nagpulong sa Jakarta para sa Agrikultura

Jakarta, Indonesia – Nagsama-sama ngayong linggo sa mula sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Bay of Bengal Initiative for Multi-Sectoral Technical and Economic Cooperation (BIMSTEC) upang talakayin ang mga hamon at oportunidad sa pagpapaunlad ng agrikultura na mas inklusibo, matatag sa klima, at konektado sa pamilihan ng rehiyon.

Idinaos noong 4–5 Agosto ang Policy Roundtable at Inception Workshop na pinangunahan ng International Food Policy Research Institute (IFPRI), International Fund for Agricultural Development (IFAD), BIMSTEC, Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA), at Network of Policy Advisors and Analysts (NePAA). Sa pagtitipon, opisyal na inilunsad ang proyektong ATMI-II na layong tulungan ang mga bansang kasapi na bumuo at magpatupad ng mga polisiya para sa mas makatarungan, matatag, at konektadong sistema ng pagkain.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Kao Kim Hourn, Kalihim-Heneral ng ASEAN, ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga bansa upang mapaunlad ang matatag na food systems. Ganito rin ang pahayag ni Mr. Indra Mani Pandey, Kalihim-Heneral ng BIMSTEC, na nagsabing malaking tulong ang ATMI-II para mapataas ang kita ng mga magsasaka, mapalakas ang seguridad sa pagkain at nutrisyon, at mapatatag ang value chains laban sa epekto ng klima.

Kabilang sa mga bansang saklaw ng inisyatiba ang Bangladesh, Bhutan, India, Nepal, Pilipinas, Thailand, at Vietnam. Nakatuon ito sa mga reporma para sa mas episyente at makatarungang pamilihan ng agrikultura.

Binubuo ang kaganapan ng dalawang bahagi: isang Policy Roundtable para sa mga opisyal at policymaker, at isang Inception Workshop para sa mas teknikal na talakayan. Tinalakay dito ang mga isyu gaya ng pagsama ng maliliit na magsasaka sa regional value chains, climate-smart agriculture, at epekto ng mga kasunduan sa kalakalan tulad ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

Ayon kay Dr. Reehana Raza ng IFAD, mahalaga ang mga platform tulad ng NePAA para sa pangmatagalang kooperasyon ng mga bansa. Idinagdag naman ni Dr. Mercedita Sombilla ng SEARCA na nakatuon ang ATMI-II sa mga magsasaka, lalo na ang kababaihan at mga kabilang sa laylayan, upang masiguro na maririnig ang kanilang boses at matutugunan ang kanilang pangangailangan.

Binanggit ni Dr. Shahidur Rashid ng IFPRI na nakasandal ang ATMI-II sa tagumpay ng naunang proyektong ATMI-ASEAN, at layon nitong gawing permanente ang NePAA bilang sentro ng palitan ng kaalaman at polisiya sa rehiyon.

Sa unang araw ng pagpupulong, lumitaw ang ilang mahahalagang puntos:

  • Nagkaroon ng malinaw na pagkakaunawa sa layunin at paraan ng pagpapatupad ng proyekto
  • Naitakda ang mga prayoridad sa pananaliksik at koordinasyong pangrehiyon
  • Naayon ang proyekto sa mga estratehiya ng ASEAN at BIMSTEC sa food system transformation
  • Nabuo ang paunang plano para gawing pangmatagalan ang NePAA
  • Nagkaroon ng pangako para sa pinagsamang solusyon sa usaping pangkapaligiran, panlipunan, at pang-ekonomiya

Mahigit 30 kinatawan mula sa pamahalaan, akademya, civil society, at regional institutions ang dumalo. Magpapatuloy sa ikalawang araw ang teknikal na sesyon at pagpaplano para sa susunod na yugto ng kooperasyon tungo sa mas matatag, inklusibo, at konektadong sektor ng agrikultura sa rehiyon.